
Wala pang dalawang buwan nang aking litratuhan si Erap habang lumalabas sa Sandiganbayan kasama ang kanyang pamilya. Makikita ang kawalang-katiyakan sa mga mata ng bawat kasapi ng pamilya. Kabababa pa lang ng hatol ng korte. Guilty raw si Erap. Habang buhay na pagkakulong. Marami ang natuwa. Marami ang naniwala na may hustisya pa pala sa Pilipinas.
Subalit kanina, nabalitaan ko na binigyan pala si Erap ng pardon ni Gloria. Akalain mo nga naman. Pambihira. Onli in da Pilipins talaga! Punyet@!
2001 nang sumabak ang libo-libong tao sa Edsa upang patalsikin si Erap sa kanyang pwesto. Kasama ako roon. Estudyante pa lamang at puno ng pag-asa. Pag-asa na sa pagpapatalsik sa kurap na administrasyon ay may magandang maidudulot ito sa Pilipinas.
Kaya naman pagkalipas ng anim na taon, umasa ako na may magandang kinahinatnan ang pagsabak namin noon sa Edsa. Pero anong nangyari? Tila baga wala na talagang pag-asang dapat asahan ang mga Pilipino. Ang dating nakaupo sa Malanayang na pinatalsik ng tao at nahatulan ng guilty ng korte, ngayon ay pinalaya ng isang huwad na pangulo na walang ginawa kundi ilagay sa pwesto ang mga taong ka-alyado nya upang pagtagpan ang mga katiwaliang kanya ring ginawa at patuloy na ginagawa.
Pinuna natin noon ang midnight cabinet, ang boracay mansion, ang jueteng scandal, ang BW scam, ang eksena sa casino, ang paniniil sa mga kasapi ng media tulad ng pag pull out ng advertisers sa Philippine Daily Inquirer at ang pagsarado ng Manila Times, ang maraming bagay na nagtulak sa atin sa Edsa.
Hindi ba natin nakikita na umuulit lamang ang kurapsyon sa gobyerno , kundi man ito mas malala pa sa dati. Nariyan ang Hello Garci scandal, ang Carlos Garcia-AFP corruption (na nagdulot ng maraming kamatayan sa mga bayaning sundalo natin habang ang mga heneral ay nagpapakasarap sa kanilang mga pwesto), ang isyu sa GSIS, ang pandarayang ginawa ni Bedol at ng kanyang kaalyado sa Mindanao, ang patuloy na pagkawala at pagkamatay ng mga taong bumabatikos sa gobyerno, ang NBN deal, ang pagkakadawit ni Miguel Arroyo sa kurapsyon sa Customs, ang overpriced na Macapagal Boulevard, ang pamumudmod ng salapi sa ilang pulitiko sa loob pa mismo ng Malakanyang.
Napakarami pang nangyayari. Magbubulagbulagan na lamang ba tayo? Mananatili na lamang ba tayong tahimik sa ating kinauupuan?
Malaya na raw si Erap. Malaya na rin kaya ang Pilipinas? Ikaw? Malaya ka rin ba?
Marahil wala na nga tayong dapat asahang bukang liwayway para sa mahal nating Pilipinas. Siguro hindi ngayon. Siguro hindi sa aking panahon.
Bukas may pag-asa. Bukas may liwanag. Bukas sisikat ang araw.
Subalit… hindi ngayon.


